3 kilong shabu nasabat sa buy-bust operation sa Quezon City
Aabot sa tatlong kilong shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng District Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Quezon City Police District sa isang drug buy-bust operation sa V. Luna kanto ng Mapagkalinga Street, Pinayahan, Quezon City.
Ayon kay Police Chief Inspector Enrique Figeuroa, hepe ng QCPD-DAID, tinataya nilang nasa P6 milyon ang halaga ng mga nasabat na shabu.
Ilang linggo rin ang kanilang ginawang pakikipagtransaksyon sa mga naarestong suspek bago isagawa ang buy-bust operation, Miyerkules ng umaga.
Arestado naman sa nasabing operasyon ang Chinese National na si Paul Co at si Arvin Caray.
Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong cellphones, isang kotse, at marked money na nagkakahalaga ng isang milyong piso.
Nabatid na nag-ooperate ang mga suspek sa Metro Manila gayundin sa mga kalapit na lalawigan.
Sinabi pa ni Figueroa na may kaugnayan din ang dalawang suspek sa iba pang mga naaresto sa mga isinagawang drug buy-bust operation ng QCPD-DAID.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.