MILF base commander patay sa pamamaril sa Cotabato; 4 na suspek na miyembro ng MNLF, arestado
Nasawi ang isang base commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos barilin ng apat na suspek, Linggo (Feb. 17) ng tanghali sa Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Jun Panangulon, residente ng Barangay Gaunan sa bayan ng Mlang.
Ayon kay Superintendent Giovani Ladeo, hepe ng Mlang police station, si Panangulon ay brigade commander ng 108th Base Command ng MILF.
Nasugatan din sa insidente ang kasama ni Panangulon na si Toto Magulayan at kritikal ngayon ang kondisyon sa isang ospital sa Barangay Poblacion.
Base sa imbestigasyon, patungo sa isang banana plantation ang dalawang biktima sa Purok 3 sa Barangay Gaunan nang hinarang sila ng apat na mga suspek.
Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng mga suspek hanggang sa mauwi na sa pamamaril.
Nakuha sa lugar ang mga basyo ng bala ng M14 at M1 Carbine rifles.
Sinabi ni Ladeo na ang mga suspek ay pawang local members ng Moro National Liberation Front sa Barangay Gaunan.
Agad namang nagsanib-pwersa ang mga pulis at sundalo at tinungo ang bahay ng mga suspek dahilan para mapilitan silang sumuko.
Isinuko din nila ang mga baril na kanilang ginamit sa pamamaril.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.