Presyo ng mga pangunahing bilihin mas mura pa rin sa supermarkets kaysa palengke – DTI

Radyo Inquirer File Photo | Taken Jan. 20, 2019

Patuloy na hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na mamili ng pagkain sa mga supermarket dahil sa mas mura nang halaga kumpara sa mga palengke.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, mabilis mag-reflect sa presyuhan sa mga supermarket o groceries ang paggalaw ng presyo sa farm gate.

Hindi aniya tulad ng sa palengke na kahit gumalaw na o bumaba na ang presyuhan sa farm gate o producers ay hindi pa naibababa ang presyo ng bilihin.

Paliwanag ni Lopez, wala sa kontrol ng DTI ang mga palengke.

Aniya, ang Local Government Units (LGUs) na nakakasakop sa isang palengke ang dapat na nagbabantay sa presyuhan na ipinatutupad sa mga pamilihan.

Sinabi ni Lopez na kamakailan, pinulong nila ang mga local market masters at nangako naman ang mga itong makikipagtulungan sa DTI.

Pero hanggang sa ngayon aniya, hindi pa tama ang nakikita ng ahensya sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga palengke.

Read more...