Rare pink diamond, nadiskubreng kabilang sa Marcos jewelry collection

By Kathleen Betina Aenlle November 25, 2015 - 04:23 AM

 

Edwin Bacasmas/Inquirer

Isang kakaiba at katangi-tanging uri ng diyamante ang nadiskubreng kabilang pala sa Marcos jewelry collections ang isinusubasta ngayon.

Tinatayang nagkakahalaga ng hindi bababa sa $5-milyon o P235-milyon ang pambihirang pink diamond na nakita ng mga alahero ng Christie’s auction house, at posible pa umanong naging pag-aari ito ng isang Mogul emperor.

Ayon sa pinuno ng Christie’s sa Middle East na si David Warren, posibleng hindi ito napansin at hindi nabigyan ng halaga noong 1991 dahil inilista lamang ito bilang isang “loose crystal.”

Sa 250 taong kasaysayan ng pagsusubasta ng mga alahas, tatlo lamang ang purong pink diamonds na nasa 10 carats ang naibenta.

Wala pang isang pulgada ang sukat ng 25-karat pink diamond na nadiskubre sa Marcos collection mula sa Golconda mine sa India na nagpo-produce ng Hope Diamond at Agra Diamond, at posible umanong tinabas ito noon pang 18th century.

Dagdag pa ni Warren, maaring pataasin ng nasabing pink diamond ang halaga ng buong collection ng mula $6 – $8 milyon, o P282 hanggang P376-milyon.

Kasama rin sa magpapataas ng halaga nito ay ang pagiging pag-aari nito ni dating first lady Imelda Marcos, dahil aniya mahalaga sa isang alahas kung sino ang dating may-ari nito o kung saan ito nag-mula.

Hindi aniya siya tiyak kung saan nabili ang koleksyong ito pero maihahalintulad ang mga ito sa mga pag-aari ng isang royalty at posibleng mula ang mga ito sa isang prinsesa.

Pinangangasiwaan ng Bureau of Customs (BOC) ang five-day appraisal ng higit sa 700 pirasong alahas na nasamsam mula sa pamilya Marcos.

Simula nang makuha ang mga ito sa pamilya, nasa ilalim ng mahigpit na pagbabantay at kustodiya ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga nasabing alahas.

Nagsilbing custodian ng Hawaii collection ang Presidential Commission on Good Government (PCGG), habang ang BOC naman ang naging custodian ng Roumeliotes, at ang Palasyo naman para sa Malacañang collections.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.