Apat na hinihinalang taga-kolekta ng “revolutionary tax” ng New People’s Army ang naaresto ng mga pulis sa General Trias, Cavite.
Nasa kustodiya rin ng mga kinauukulan ang apat na suspek matapos ang maikling pakikipaghabulan sa Brgy. Javalera dakong hatinggabi ng Lunes.
Kinumpirma ito ni Gen. Trias police intelligence unit head Insp. Artemio Cinco, at sinabing ang mga suspek ay pawang mga revolutionary tax o “revo tax” collectors sa probinsya.
Nagpakilala ang mga suspek na sina George Bruce mula Lemery, Batangas; Jose Nayve ng GMA, Cavite; Romel Nuñez ng Dasmariñas City, Cavite; at Armando Matres ng Lipa City, Batangas.
Base sa report, pinasabog ng isa sa mga suspek gamit ang isang improvised explosive device ang manhole cover ng mga kable ng Globe Telecom sa may Brgy. Javalera, at nagkataong naroon si PO1 Jonathan Dinglasan.
Sumakay umano ang mga suspek sa isang Nissan Urvan para tumakas pero hinabol sila ni Dinglasan gamit ang isang pribadong sasakyan at saka tumawag sa presinto para ipaalam ang insidente.
Naharangan ng mga rumespondeng pulis ang van ng mga suspek na nagtulak sa mga ito na bumaba ng sasakyan at tumakbo sa talahiban kung saan sila na-corner ng mga otoridad.
Nasamsam mula sa kanilang van ang isang .45 cal na pistol, 106 live ammunitions at apat na magazines; 9mm pistol na may kasamang 17 bala at isang magazine; dalawang pirasong blasting caps, isang detonator switch at manual; apat na batteries at mga kable; walong cell phones; isang “extortion” letter na para sa isang “Aling Adeling” na may letterhead ng “Bagong Hukbong Bayan”. Ikinulong sa piitan ng General Trias police ang mga suspek.
Samantala, panandaliang naantala ang serbisyo ng Globe Telecom sa lugar dahil sa ginawang pambobomba sa kanilang manhole.