“Last look” booths sa NAIA, inilunsad na
Inumpishan na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang paglalagay at pagapapagamit ng mga “last look” booths sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Dahil bago sa kanilang mga paningin, nag-mistulang misteryo ang mga nakatayong booths na may mga kurtina sa loob ng NAIA at kung para saan nga ba ang gamit ng mga ito.
Dahil walang anumang signage na nagsasabi kung ano ito, ipinagtaka ng mga pasahero kung ano ang silbi ng mga nasabing booths.
May nagsabing baka ito ay isang fitting room, at mayroon namang ibang nag-biro na baka ito ay isang kumpisalan at dapat may pari sa loob.
Maging ilan sa mga tauhan ng paliparan ay hindi alam kung para saan ito dahil dinala na lamang umano ito doon kahapon ng umaga.
Inilagak ng MIAA ang mga cubicles na ito bilang “last look” booths para bigyan ng huling pagkakataon ang mga pasahero na kalkalin o i-check ang kanilang mga bagahe bago pa man sila dumaan sa security screening checkpoints ng paliparan.
Ayon kay MIAA senior assistant general manager Vicente Guerzon Jr., sa pamamagitan nito, maaaring itapon, iwanan o tanggalin na ng mga pasahero ang anumang bagay na ipinagbabawal dalhin sa eroplano nang walang sinumang kukuwestiyon sa kanila.
Kabilang na dito ang dala nilang mga bala na nagsisilbing anting-anting o souvenirs.
May kurtina ang mga nasabing booths para bigyan ng privacy ang mga pasahero habang binubuksan ang kanilang mga bagahe, at may mesa din ito sa loob kung saan pwede nilang ipatong ang kanilang gamit.
Mayroon ding kahon doon para pagtapunan ng mga gamit na nais nang iwan ng mga pasahero.
Ani Guerzon, bahagi ito ng kanilang kampanya para mas palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal dalhin sa kanilang bagahe, hand-carry man ito o checked-in.
Tiniyak naman niya na lalagyan na ng mga kaukulang signages ang mga nasabing booths para malaman ng mga pasahero ang silbi nito at nang magamit na nila ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.