Ginahasa ang isang turistang Irish National sa El Nido, Palawan noong Miyerkules.
Nasa naturang lugar lamang ang biktima na mula pa sa Torquay, Ireland para sana magbakasyon.
Gayunman, ang bakasyon ay nauwi sa krimen matapos siyang pagsamantalahan ng suspek na nakilalang si Perry Gaspe, isang tricycle driver.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na galing ang Irish national at ang kanyang mga kaibigan sa isang bar.
Sumakay ang mga ito sa tricycle ng suspek ngunit dahil magkakaiba sila ng hotel ay napagpasyahan ng biktima na maglakad na lamang papunta sa kanyang tinutuluyan.
Nag-alok si Gaspe na ihatid ang biktima at naiwan naman ang kanyang mga kaibigan sa tricycle.
Ayon kay El Nido-Municipal Police station commander Chief Insp. Starky Timbancaya, habang naglalakad ang suspek at ang biktima papunta sa hotel ay dito na naganap ang panggagahasa.
Sinubukang manlaban ng biktima pero hindi ito pinakinggan ng suspek na agad ding umalis matapos makaraos.
Agad na naaresto ng mga pulis ang suspek.
Noong Biyernes ay humarap sa arraignment si Gaspe kung saan ito ay naghain ng not guilty plea.
Nagsasagawa ng speedy trial sa kaso dahil nakatakda nang umalis sa bansa ang isa sa mga testigo.