Muling nagtungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Hong Kong Sabado ng gabi ayon kay dating Special Assistant to the President Christopher Bong Go.
Ayon sa text message ni Go sa reporters, kasama ni Duterte sa kanyang ‘unannounced trip’ ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña at ang anak nilang si Kitty.
“Totoo po na pumunta ng Hong Kong si Pangulong Duterte na kasama ang long-time partner nya na si Ma’am Honeylet Avanceña at anak nila na si Kitty para sa isang personal na biyahe, ani Go.
Hiniling anya ni Kitty ang biyahe bilang regalo at para sila ay makapagpahinga at makapaglibang.
“It was actually Kitty who requested her father for the trip, as a gift. Nagawa na ito nila noon kahit nung Mayor pa ng Davao City si PRRD. The weekend getaway is for rest and recreation,” dagdag ng dating opisyal.
Sinabi naman ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na ang Hong Kong trip nina Duterte ay para ipagdiwang ang birthday ni Avanceña.
“Yes, he is in HK with Honeylet. It’s the latter’s birthday today,” ani Panelo.
Samantala sinabi ni Go na habang nasa Hong Kong ang presidente ay nakatalaga si Executive Secretary Salvador Medialdea bilang officer-in-charge ng Office of the President.
Matatandaang noong October 2018 ay nagkaroon din ng unannounced trip ang pamilya sa Hong Kong.