Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘Act Providing for Reasonable Rates for Political Advertisements’.
Ito ang panukalang batas na layong magbigay ng mas malaking discount para sa political advertisements sa mass media ng mga kandidato at partido tuwing eleksyon.
Ang paglagda ni Duterte sa panukala ay kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea araw ng Biyernes.
Inamyendahan ng bagong batas ang R.A 9006 o Fair Election Act.
Sa ilalim nito ang discount para sa political advertisement sa telebisyon ay 50 percent na mula sa dating 30 percent habang sa radyo ay 40 percent na mula sa dating 20 percent.
Ang discount naman sa print media ay mananatili sa 10 percent.
Nauna nang sinabi ni Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel na sa pamamagitan ng batas ay magkakaroon ng mas maraming oportunidad ang mga kandidato at partido na maipahatid ang kanilang mga mensahe sa publiko sa pamamagitan ng mainstream media.