Duterte, inindorso ang pagtakbo bilang Senador ng 5 kapartido at 7 guest candidates
Opisyal nang inanusyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang 12-man senatorial lineup na binubuo ng limang kandidato mula sa kanyang partido na PDP-Laban at pitong guest candidates.
Sa proclamation rally sa Bulacan, sinabi ng Pangulo na kasama sa kanyang mga kandidato ang limang miyembro ng PDP-Laban na tinaguriang “MaBaGoKoTo.”
Ito ay binubuo nina dating PNP chief Ronald dela Rosa, dating special assistant to the President Bong Go, Maguindanao 2nd District Rep. Zajid Mangudadatu, Senator Koko Pimentel at dating presidential political adviser Francis Tolentino.
Ang mga guest candidates naman na base sa “personal choice” ng Pangulo ay ang singer na si Freddie Aguilar, reelectionist Senators Sonny Angara, JV Ejercito at Cynthia Villar, Taguig Rep. Pia Cayetano, dating Senador Jinggoy Estrada at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Liban kay dating Senador Jinggoy Estrada, present sa inisyal na kampanya sa San Jose del Monte, Bulacan ang mga Senatorial candidates ng Pangulo.
Samantala, sinabi ni PDP-Laban campaign manager Senator Manny Pacquiao na ang mga kandidato ni Duterte ay makatutulong para matupad ang legislative agenda ng Pangulo sa natitirang mga taon ng termino nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.