Hindi makikisawsaw ang Commission on Elections (Comelec) sa siraan o negative campaigning sa pagitan ng mga kandidato.
Sa kanyang Twitter post, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na pinapayagan ng poll body ang anumang uri ng campaign propaganda.
Pero nilinaw ni Jimenez na pwedeng magsampa ng kasong libel ang isang partikular na kandidato kung sa tingin niya ay target siya ng isang mali at malisyosong paninira o kampanya.
“Thus, negative campaigning, or campaigning which promotes the defeat of a candidate, is allowed,” ayon sa tweet ni Jimenez.
Binigyang-linaw pa ng opisyal na hindi censor body ang Comelec.
Sa ngayon ay patuloy naman ang Comelec sa pagtanggap ng mga reklamo kaugnay sa ilang campaign violations tulad ng paggamit ng mga maling campaign materials.
Ang campaign period para national candidates ay nagsimula noong February 12 na tatagal hanggang sa May 11.
Para sa mga lokal na kandidato, ang kampanya ay magsisimula sa Marso 29 hanggang May 11.