Sa kanyang panayam sa media sa Otso Diretso proclamation rally sa Naga City, sinabi ni Robredo na malaking dagok sa press freedom o kalayaan ng pamamahayag ang pag-aresto kay Ressa.
“Nakakalungkot kasi ito ay isa na namang yugto na nagpapakita sa atin kung gaano iniipit iyong mga naglalakas-loob na makapagsalita laban sa mga polisiya ng administrasyon,” ani Robredo.
Dagdag ng Pangalawang Pangulo, ang pag-aresto kay Ressa ay magsisilbing babala sa sinuman na magtatangkang tutulan ang administrasyong Duterte.
Kinondena ni Robredo ang pag-aresto sa Rappler CEO na anya ay isang political harassment.
Nagpahayag lang anya si Ressa ng saloobin, pagkontra sa ibang polisiya pero naging dahilan ito para supilin ang kalayaan ng media.
Ang tapang anya ni Ressa ay magbibigay inspirasyon na marami pa ang magagawang makabuluhan.
Umaasa si Robredo na ang pag-aresto kay Ressa ay hindi magdagdag ng takot sa ibang nais magpahayag ng saloobin.