PNP, tanggap ang pagpayag ng korte na makapag-piyansa si Baldo
Tinanggap ng Philippine National Police (PNP) ang desisyon ng korte na payagang makapag-piyansa si Darag, Albay Mayor Carlwyn Baldo.
Pinayagan ng Legazpi City Regional Trial Court Branch 10 ang hiling ng kampo ni Baldo na makapag-piyansa ng P3 milyon o surety bond na P4 milyon.
Ito ay dahil hindi nakapaghain ang provincial prosecutors ng kasong illegal possession of firearm and ammunition at illegal possession of an explosive sa korte laban kay Baldo.
Sa ipinadalang mensahe, sinabi ni PNP spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac na nirerespeto ng PNP ang batas at desisyon ng korte.
Gayunman, tututukan pa rin aniya ang mga galaw ni Baldo at kung dadalo ito sa mga pagdinig ng korte.
Si Baldo ang itinuturong utak sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at police escort nitong si SPO2 Orlando Diaz noong December 2018.
Matatandaang naaresto si Baldo matapos matagpuan ang matataas na kalibre ng armas sa bahay nito noong January.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.