Kahapon, February 12 ang simula ng campaign period para sa national candidates sa midterm elections sa Mayo.
Sina Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, re-electionist Senator Bam Aquino, human rights lawyer Chel Diokno, Marawi civic leader Samira Gutoc, former Solicitor General Florin Hilbay, election lawyer Romulo Macalintal, at former Deputy Speaker Erin Tañada ay present sa official campaign launch.
Si dating senador at Interior Secretary Mar Roxas naman ay sinimulan ang kanyang kampanya sa Capiz – ang kanyang hometown.
Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, campaign manager ng Otso Diretso, napili nila ang lungsod ng Caloocan bilang launching city ng kampanya dahil sa papel ng lungsod sa kasaysayan lalo na sa panahon ng Katipunan.
Ayon naman kay Diokno, ang mataas na bilang ng extrajudicial killings sa Caloocan na mariing tinututulan ng oposisyon ay isa sa mga dahilan ng kanilang pagpili sa lungsod.
Matapos ang isinagawang press conference ay nagsagawa ng door-to-door campaign ang mga senatorial bets.
Matapos ang door-to-door campaign ay dumalo naman sa isang misa na pinangunahan ni Bishop Emeritus Deogracias Iñiquez ang opposition candidates.
Nakiisa sa idinaos na misa sina Vice President Leni Robredo, dating Pangulong Benigno Aquino III at Senators Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV.
Samantala, magdaraos ng isang grand proclamation rally ngayong araw ng Miyerkules ang Otso Diretso sa Camarines Sur, ang balwarte ni Vice President Leni Robredo.