Imbes na sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay sa SM City Clark sa Angeles City, Pampanga na magaganap ang 10th Philippine International Pyromusical Competition (PIPC).
Ang naturang kompetisyon ay tatakbo mula February 23 hanggang March 30.
Sa isang pahayag na inilabas araw ng Martes, sinabi ng SM Supermalls na ang paglilipat ng venue ay dahil sa isinasagawang rehabilitation program sa Manila bay.
Tiniyak ng SM Supermalls ang suporta sa Department of Environment and Natural Resources sa naturang programa.
Hiningi ng SM Supermalls ang pag-unawa at patuloy na suporta ng publiko at iginiit na patuloy na ibibigay ang enjoyment na hatid ng kompetisyon sa nagdaang mga taon.
Nagsagawa ng isang massive clean-up operations sa Manila Bay noong January 27 at ipinasara na rin ang ilang mga establisyimento na nagpaparumi rito.
Ayon sa DENR, asahan na ang malaking pagbabago sa katubigan ng dagat sa loob lamang ng anim na buwan.