PNP, iginiit na walang iniendorsong kandidato
Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na walang iniendorsong kandidato ang pambansang pulisya.
Ang pahayag ay kasunod ng pagkwestyon ng poll watchdog na Kontra Daya sa pagdalo ni dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa isang event ng PNP kahapon, o bisperas ng pagsisimula ng campaign period para sa mga national candidates sa May 13 midterm elections.
Giit pa ng Kontra Daya, huwag sanang gamitin ng mga kandidato ang pondo o resources ng gobyerno sa kani-kanilang pangangampanya.
Pero ayon kay Albayalde, hindi sila nag-eendorso ng kahit sinong kandidato.
Naniniwala pa ang pinuno ng PNP na wala silang nilabag na anumang probisyon ng batas o kahit utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, nang imbitahan si Go sa event ng PNP.
Nauna nang pinagbawalan ni Presidente Duterte ang mga cabinet member na mangampanya para sa mga kandidato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.