Election watchdog nagbabala sa paggamit ng pondo ng bansa sa eleksyon
Hinamon ng watchdog na Kontra Daya ang lahat ng mga kandidato na huwag gamitin ang pondo at resources ng gobyerno para sa kani-kanilang pangangampanya.
Ang pahayag ay kasabay ng pagsisimula ngayong araw ng campaign period o panahon ng pangangampanya ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list groups na tatakbo sa May 13 midterm elections.
Ayon sa Kontra Daya, bagama’t ipinapaalala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng gabinete na huwag ikampanya ang sinumang kandidato, mismong ang punong ehekutibo umano ang nagtataas pa ng kamay ng kandidatong ini-endorso nito.
Kinuwestyon din ng Kontra Daya ang presensya ni dating Special Assistant to the President at ngayo’y senatoriable Christopher “Bong” Go sa isang event ng Philippine National Police o PNP, kung saan guest of honor ito.
Duda ang watchdog sa “timing” ng pagdalo ni Go sa event, na nangyari isang araw bago mag-umpisa ang campaign period.
Dagdag ng Kontra Daya, ngayong umarangakda na ang campaign period ay marapat na tanggalin na rin ng mga ahensya ng pamahalaan ang anumang nakapaskil sa kani-kanilang tanggapan na mga poster at campaign materials ng mga kandidato.
Paalala ng grupo, batay sa section 7 ng Comelec Resolution no. 10488, bawal ang pagpapaskil at paglalagay ng campaign o propaganda materials sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga paaralaan, barangay halls at mga tanggapan o buildings ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.