700 election hotspots sa bansa tinukoy ng PNP
Sa pagsisimula ng campaign period, inilabas ng Philippine National Police (PNP) ang bilang ng election hotspots para sa May 13 polls.
Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, nasa 701 na lugar ang itinuturing na election hotspot sa nalalapit na halalan.
Sa naturang bilang, sinabi ni Albayalde na ito ay 42.9 percent ng 1,324 na lungsod at munisipalidad sa bansa.
Dahil dito, ikinokonsidera aniya ng PNP ang pagbabago sa deployment ng mga pulis.
Aabot sa 223 na election hotspots ay color-coded bilang Yellow, 382 ang Orange na mayroong immediate concern at 94 naman ang Red na may grave concern.
Paliwanag ng opisyal, ang mga lugar na kabilang sa Yellow category ay mayroong naganap na election-related incidents, matinding political rivalry at mga lugar na isinailalim sa Commission on Elections (Comelec).
Samantala, ang Orange category ay mga lugar na may seryosong banta ng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Liberation Front (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG) at iba pang mga rebeldeng grupo.
Ang Red category naman ay kombinasyon ng Yellow at Orange criteria.
Sinabi pa ng PNP chief na 27 sa Red areas ay mula sa ARMM, 19 sa Bicol region, tig-pito sa Calabarzon at Western Mindanao, tig-anim sa Mimaropa at Western Visayas, lima sa Northern Mindanao, tig-apat sa Soccsksargen at Cordillera, tatlo sa Eastern Visayas, tig-dalawa sa Central Luzon at Davao region at tig-isa naman sa Caraga at Cagayan Valley.
Wala naman aniyang lugar sa National Capital Region (NCR) at Ilocos region na kabilang sa Red category.
Kasunod nito, tiniyak ni Albayalde na mananatili ang aksyon ng PNP para maging mapayapa at maayos ang halalan sa Mayo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.