Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na humingi ng suporta sa simbahang katolika o iba pang religious group para sa kanyang mga pambato sa pagka senador sa May 13 midterm elections.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi naging ugali o estilo ng pangulo ang manghingi ng tulong sa religious sector kahit na noon pang tumakbong mayor ng Davao City o pangulo ng bansa noong 2016 presidential elections.
Gayunman, sinabi ni Panelo na may mga religious leader ang nag-alok ng tulong sa pangulo noong presidential elections gaya na lamang ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy at ng Iglesia ni Cristo.
Kaya aniya nag-alok ng tulong si Quiboloy ay dahil personal siyang kaibigan ng pangulo.
Matatandaang naging maanghang at matatapang ang mga pag-atake ng pangulo sa simbahang katolika matapos punahin ang kanyang madugong kampanya kontra sa illegal na droga.