Dahil sa patuloy na nararanasang phreatic explosion, itinaas na ng Philippine Volcanology and Seismology o Phivolcs sa alert Level 1 ang alerto ng bulkang Kanlaon sa Negros Occidental.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Dr. Winchelle Sevilla, supervising science research specialist ng Phivolcs, sa ilalim ng alert level 1, ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4 kilometer danger zone ng bulkan.
Alas 9:55 ng Lunes ng gabi ay nagkaroon ng phreatic explosion ang Mt. Kanlaon at ang white plume na ibinuga nito ay umabot sa 1,500 meters ang taas.
Hanggang ngayong umaga, Martes, ay nagpapatuloy sa pagbubuga ng steam na may kaunting abo ang bulkang Kanlaon. “Kagabi 9:55PM nagkaroon ng phreatic explosion ang volcano. Itinaas na namin sa alert level 1 ang bulkan at inirerekomenda namin na iwasan muna ang pag venture sa loob ng 4km danger zone,” ayon kay Sevilla.
Wala pa namang naitatala na pinsala o mga residenteng naapektuhan ng ash fall dahil sa aktibidad ng bulkan.
Kasabay ng pagtataas sa alert level 1, binalaan din ng Phivolcs ang mga piloto sa paglipad o paglapit sa crater ng bulkan.