Nag-ugat ang mga kaso sa pagkawala ng mga shabu na sinasabing nagkakahalaga ng P11 billion at nasa loob daw ng magnetic lifters na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC). Kinalauna’y narekober ang walang lamang magnetic lifters sa Cavite.
Sa pagdinig ng DOJ, no-show o hindi dumalo si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Paliwanag ng abogado ni Lapeña, abala raw ang kanyang kliyente sa mga trabaho nito bilang director general ng TESDA.
Kabilang sa mga dumating sa paglilitis ay si dating Customs intelligence officer Jimmy Guban.
Humirit ang abogado ni Lapeña sa DOJ ng extention upang makapaghain ng counter-affidavit.
Pinagbigyan naman ito ng DOJ at itinakda sa February 21 ang petsa para makapagsumite ng counter-affidavit si Lapeña, maging ang iba pang respondents kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI).
Sa March 4, alas-dos ng hapon, ang susunod na preliminary probe ng DOJ hinggil sa Customs shabu smuggling.