Pangulong Aquino humarap sa media matapos ang dalawang dinaluhang summit

pnoy-aquinoTila hindi man lamang napagod si Pangulong Benigno Aquino III sa kabila ng pag-host ng Pilipinas ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit, at pag-dalo niya sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.

Nang matapos ang ASEAN summit pasado alas otso ng gabi ng Linggo, maligalig pa rin na humarap si Pangulong Aquino sa Philippine media para sa ilang katanungan.

Ayon kay Pangulong Aquino, maraming mahahalagang puntos ang napag-usapan at nabuo sa naganap na pagpupulong ng mga pinuno ng ASEAN.

Kabilang aniya dito ang pag-buo ng Code of Conduct bilang tugon sa mga hakbang ng China na angkinin ang buong South China Sea.

Aniya, bagaman hindi kasing lakas ng hinaing ng Pilipinas, marami na rin ang nananawagan at naninindigan laban sa ginagawa ng China.

Matatandaang matapang na inihayag ni Pangulong Aquino sa harap ng mga ASEAN leaders ang ginagawang pang-aagaw ng teritoryo ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo.

Pinabulaanan naman ng Pangulo ang naging usap-usapan na nabuo noong kasagsagan ng APEC meeting na bihira sila mag-usap ni Chinese President Xi Jinping.

Paliwanag niya, hindi naman ito dahil sa may ilangan sa pagitan nilang dalawa, kundi dahil walang translator at hindi rin lamang sila magkakaintindihan ng maayos.

Malugod ring nagpasalamat si P-Noy sa mga tumulong at naging bahagi ng APEC dito sa Pilipinas dahil sa tagumpay na natamasa nito.

Samantala, nang tanungin naman siya tungkol sa panukalang income tax reform, nanatili ang paninindigan ng Pangulo na hindi pa rin siya kumbinsidong hindi ito makakaapekto sa fiscal standing ng bansa.

Inakusahan niya rin na ‘pogi bill’ lamang ang nasabing panukala para makuha ng mga kasalukuyang mambabatas ang boto ng mga mamamayan sa darating naeleksyon.

Umaasa naman siya na maipapasa pa ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law bago mag-holiday break.

Read more...