Nagpa-alala ang Malacañang sa mga dayuhan na nasa bansa na sumunod sa mga itinatakdang batas sa Pilipinas.
Pahayag ito ng palasyo matapos mag-viral sa social media ang pagsasaboy ng taho ng Chinese student na si Jiale Zhang sa isang pulis sa MRT Boni Avenue station sa Mandaluyong City noong weekend.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kapag hindi umayos ang mga dayuhan tiyak na may paglalagyan ang mga ito.
Kasabay nito, umapela ang palasyo sa publiko na huwag nang palakihin pa ang kaso ni Zhang dahil isolated case lamang ito.
Inihahambing ng oposisyon ang insidente sa relasyon ng Pilipinas at China.
Ayon kay Panelo, kinasuhan na ang dayuhan at nahaharap na sa posibleng deportasyon.
Pinatatahimik din ng palasyo si Vice President Leni Robredo na una nang naalarma sa ginawa ni Jiale.
Ayon kay Robredo, wake up call daw kasi ito kung paano tinatrato ng administrasyon ang mga Chinese.
Dagdag pa ni Panelo, mas makabubuting itigil na ni Robredo ang pagpapakalat ng mga maling espekulasyon at tigilan na ang pag-uudyok sa publiko.