Tulad ni Transportation Sec. Joseph Abaya, duda rin si Pangulong Benigno Aquino III na mayroon talagang nagaganap na kaso ng tanim-bala scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kauna-unahang pagkakataon niyang magsalita tungkol sa kontrobersyal na tanim-bala, minaliit ni Pangulong Aquino ang posibilidad na totoo ngang may sindikato sa likod nito.
Paliwanag ni Pangulo, tila masyadong maliit naman ang bilang ng mga naitalang insidente ng nahulihan ng bala na nasa 1,200 lamang kung ikukumpara sa 34 milyong pasaherong taun-taong dumadaan sa NAIA.
Hindi naman aniya sapat ang 3 out of 3 million na kasong maitatala para sabihin na mayroong epidemya at para maisip ng mga tao na baka sila ay mabiktima rin.
Ani Aquino, kailangan itong balansehin at kailangan ng patunay na nagkukumpirma o hindi sa sinasabing tanim-bala scam.
Depensa niya, hindi naman sa sinasabi niyang wala talagang nangyayaring scam, pero iginiit niya na dapat muna itong patunayan ng imbestigasyon.
Sinisi rin ni Pangulo ang media dahil masyado umanong na-sensationalize ang isyu.
Naawa naman ang Pangulo sa mga inosenteng airport scanners na ginagawa lamang ang kanilang mga trabaho, at maging sa mga pasahero.
Samantala, iginiit naman ng Aviation Security Group (Avsegroup) na wala talagang tanim-bala scam, pero maaaring may nangyayaring pangingikil.
Ayon sa isang source, imposibleng makapagdala ng bala ang mga security scanners at i-tanim ito sa mga bagahe ng pasahero.
Maaari din aniyang ang biglang dami ng mga nahuhulihan ng bala ay bunsod ng reward system na pinaiiral ng Office of Transportation Security (OTS), na nagbibigay ng certificates of commendation at pera sa mga magaling ang ipinapakitang trabaho.
Layon ng reward system na palakasin ang morale ng kanilang mga tauhan para mas pag-igihin pa ang kanilang trabaho.
Gayunman, karamihan aniya sa mga pasahero ay umaamin naman na nagdadala talaga ng bala bilang souvenir o kaya anting-anting, pero may ilan talagang tiwaling tauhan ng OTS na sinasamantala ang pagkakataon para makapangikil sa pasaherong ayaw nang maabala ang biyahe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.