“One for you, one for me” – 2019 national budget – sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE MADERAZO

By Jake Maderazo February 11, 2019 - 07:54 AM SHARE(S):

Ratipikado na ng bicameral conference committee ang panukalang P3.757-B national budget para 2019. Susunod na si President Duterte na ayon sa Malakanyang ay iisa-isahin muna ito bago aprubahan.

Kontrobersyal ang panukala dahil nabulgar at pinag-awayan sa media ang mga sikretong pondo ng Kongreso, DBM at ng Cabinet. Tulad nitong P75-B “pork insertions” nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez sa DPWH (na hindi alam ni Secretary Mark Villar) na na-implement noong 2018, at tinangkang ipalusot ngayong 2019 . Mabuti naman nabulilyaso idahil nagpalit na liderato.

Nagpasya sina Speaker Gloria Arroyo na i-realign ang “pork insertions” ngunit binakbakan agad noon ni Senador Ping Lacson. Sumagot si House Majority leader Rolando Andaya at ibinulgar ang mga Senador na nais mag-realign ng P189-B “institutional amendments”.

Matapos ang mahabang giyera sa “media ”, nagkasundo sila noong Biyernes na magkasundo panukalang national budget. Sa P46-B na itinaas ng 2019 budget ng DPWH , naglaan ang mga kongresista ng P20.65-B samantalang ang mga Senador ay tumapyas din ng P24.5-B. para sa mga “pet infra projects” .
Inamin ni Andaya na mayroong tig- P160-M na “line item allocation” ang bawat kongresista sa panukalang budget. At kasama dito ang mga kongresista ng administrasyon, oposisyon at maging party list members.

Sa dalawampung Senador, meron silang tig- P1.15-B pet projects mula sa DPWH. Wala pa riyan ang tinatawag nilang “institutional amendments” sa ibang ahensya.

Sabi ni Senador Loren Legarda , hindi raw “pork barrel” ang ginawa nilang P189-B realignment dahil kasama dito ang P68-B “unprogrammed appropriations” na kakailanganin ng DBM. Ito’y bilang standby authority sa mga dagdag na gastusing proyekto o kung bumaba ang “revenue collection” at iba pang biglaang obigasyon. Sa madaling salita, “discretionary fund” o parang blangkong tseke ito ng DBM. Hindi ba’t merong “contingency fund” ang budget na ito? Bakit gagawa pa ng “unprogramemd appropriations?

Kasama din sa realignment ng mga Senador ang P800-M sa pagdiriwang ng World’s teachers day, P7.5-B sa pagdaraos dito ng 2019 Southeast Asian Games at P50-B para sa bagong AFP brigade at iba pang project ni Senador Lacson.

Sadya yatang hinihilo tayo ng mga mambabatas para lamang mailusot nila ang pagmamainobra sa salapi ng sambayanang Pilipino. “Institutional amendments” daw itong P189-B pero lumilitaw na “discretionary funds” pala ng DBM”. Nang mahuli ng P75-B “pork insertions” sa DPWH, nagpartihan ang mga kongresista pati mga senador sa kanilang “pet projects”. Mabuti-buti ang mga kongresista dahil “line item budgeting” ang ginamit pero yung mga senador tila “lump sum appropriations” o hindi detalyado na naman.

Kung susuriin, igigiit ko na talagang magkakamukha itong ilang mga senador at kongresista natin pagdating sa pambansang pondo ng bayan. Meron talaga sa kanilang mga “mukhang pera” na nawalan na yata ng hiya na pati maliwanag na pagbabawal ng Korte Suprema sa “pork barrel” ay binabalewala.

Pero ang matinding tanong dito ay kung ano ang gagawin ni President Duterte sa mga “discretionary funds” , institutional amendments”, “line item allocation” ng mga Kongresista at “lump sum pork” ng mga Senador. Ang alam ko galit si Duterte sa mga corrupt at mukhang pera!

TAGS: House of Representatives, national budget, pork barrel, senate, House of Representatives, national budget, pork barrel, senate

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.