Anti-terror operations, suportado ng mga Belgians sa pamamagitan ng ‘cat photos’
Nakiisa sa panawagan ng kanilang gobyerno ang mga residente ng Brussels, Belgium at iniwasan ang mag-post ng operasyon ng mga otoridad kontra sa mga hinihinalang terorista sa naturang bansa.
At sa halip na kumuha ng mga larawan ng nangyayaring counter-terrorism operations, mga picture ng pusa ang inilagay ng mga residente sa kanilang mga post na may hashtag na #BrusselsLockdown.
Dahil sa hakbang na ito ng mga Belgian, nag-trending ang #BrusselsLockdown hashtag na may mga kasamang larawan ng pusa.
Una rito, nanawagan si Belgian Defense Minister Steven Vandeput sa kanyang mga kababayan na iwasang mag-post ng galaw ng mga pulis upang maiwasang makatakas ang mga hinihinalang terorista.
Tumugon naman ang publiko sa pamamagitan ng mga ‘cat photos’ sa halip na aktuwal na operasyon ng mga otoridad.
Maging ang ibang bansa ay nakiisa sa kampanya sa pamamagitan ng pag-post ng larawan ng kani-kanilang mga pusa na may hashtag na #BrusselsLockdown.
Pinasalamatan naman ng federal prosecutor at Belgian police ang ipinakitang suporta ng publiko sa pamamagitan ng pag-iwas sa pag-post sa social media ang mga nagaganap na police operation.
Sa kasalukuyan, nasa 16 na ang naaresto na may kinalaman sa pagtugis sa mga hinihinalang teroristang nagtatago sa Belgium.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.