Ayon kay PAGASA hydrologist Richard Orendain, alas-6:00 ng umaga ng Sabado ay nasa 72.19 meters na lamang ang water level sa dam na anya’y napakababa na.
Iginiit ni Orendain na sa ganitong panahon ang water level sa La Mesa dam ay kadalasang nasa 78 hanggang 79 meters pa.
Dahil dito nanawagan ang hydrologist ng ‘water conservation’ o pagtitipid upang ang natitirang reserba ay maging available pa sa mas mahabang panahon.
Ayon kay Orendain, hindi pa tapos ang dry season at ang tag-ulan ay kadalasang nagsisimula sa katapusan ng Mayo o simula pa ng Hunyo.
Kung wala anyang gagawing water conservation ay posibleng umabot na lamang sa 65 hanggang 66 meters ang tubig ng La Mesa dam sa katapusan ng Abril.
Ang naturang projection ay mas mababa sa lowest water level ng dam noong June 6, 2018 na 70.16 meters.
Paliwanag ng PAGASA, mas mabuti sana kung may iba pang pinagkukunan ng tubig ang La Mesa dam bukot sa Angat Dam sa Bulacan.
Ang tubig mula sa Angat Dam ay dumadaan sa Ipo Dam saka dadaloy patungo sa La Mesa Dam.
Ang Angat-Ipo-La Mesa water system ay ang nagsusupplay ng halos kabuuan ng kailangang tubig ng Metro Manila.