Disqualification case, handang labanan ni Duterte
Nangako si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na lalabanan ang sinumang hahadlang sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo ng bansa sa darating na 2016 elections.
Kasabay nito, ipinahayag niyang handa rin siya na hamunin ang anumang balakid sa harap ng Korte Suprema.
Matatandaang nagpahiwatig na ng kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo si Duterte noong Sabado, na bunsod umano ng kaniyang pagka-dismaya sa desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa disqualification case laban kay Sen. Grace Poe.
Samantala, walang batas na malalabag sakaling humalili si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kay Bgy. Chairman Martin Diño sa pampanguluhang halalan.
Ito ang pananaw ni Senador Aquilino Pimentel Jr., presidente ng PDP-Laban kung saan kaanib sina Duterte at Diño.
Paliwanag ni Pimentel, pinapayagan ng Commission on Elections ang substitution ng mga kandidato hanggang December 10, 2015 kaya’t malinaw na pasok pa ang substitution ng dalawa sa itinatakdang panahon ng Comelec.
Hindi rin isyu aniya ang pagkakasulat ni Diño na siya ay naghahain ng kandidatura bilang mayor ng Pasay City sa kanyang application form dahil malinaw aniyang ito ay isang ‘minor clerical error’.
Paliwanag ni Pimentel, ang dokumentong sinulatan ni Diño ay ginagamit sa mga kakandidatong presidente.
Naghain din ito aniya ng application form sa Head office ng Comelec sa Intramuros at hindi sa Pasay City.
Bukod dito, malinaw na nakahanay ito sa listahan ng mga presidential candidate kaya’t hindi ito dapat gamitin bilang isyu ng iba.
Matatandaang unang kinwestyon nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at election lawyer Romulo Macalintal ang posibilidad na paghalili ni Duterte kay Martin Diño.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.