Ayon kay House Appropriations committee chairman Rep. Rolando Andaya Jr., hindi pa tapos ang trabaho ng mga mambabatas kahit naaprubahan na ng bicameral panel ang P3.757 trillion na pondo ngayong taon.
Sinabi ni Andaya na dapat tiyakin ng Kamara ang budget spending accountability.
Patuloy anyang gagampanan ng Kongreso ang oversight function nito para matiyak na ang pondo ng bayan na inilaan sa mga proyekto at programa ng gobyerno ay magagamit alinsunod sa batas.
Ayon sa kongresista, magsasagawa ang House Committees on Appropriations at Public Accounts ng joint public hearings sa umanoy kwestyunableng gawain ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ni Secretary Benjamin Diokno.
Nagkakamali anya si Diokno kung sa tingin nito ay pwede na siyang mag-relax dahil hindi pa umano tapos ang imbestigasyon sa anomalyang kinasasangkutan ng kalihim.
Sa susunod na mga linggo ay muling ipapatawag ng Kamara ang mga opisyal ng DBM at Department of Public Works and Highways (DPWH) para matukoy ang umanoy utak ng P75 bilyong insertion sa 2019 national budget.