Babaeng Chinese na nagtapon ng taho sa pulis, nahaharap sa aksyon ng DOTr at MRT
Posibleng i-ban ng Department of Transportation (DOTr) ang babaeng Chinese na nagtapon ng taho sa pulis sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3).
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Communications Goddes Hope Libiran, ikukunsidera nilang i-ban sa lahat ng istasyon ng MRT ang Chinese national.
Ito ay para igiit sa publiko na may mga alituntunin na dapat sundin kaya kailangan anya na may masampolan.
Sa susunod na linggo ay ilalabas ang desisyon kung permanente o pansamantalang ban ang ipapataw sa dayuhan na si Jiale Zhang.
Ipaparating naman ng DOTr ang kaso ni Zhang sa Bureau of Immigration (BI) para maaksyunan ito.
Ayon naman kay BI spokesperson Dana Krizia Sandoval, makikipag-ugnayan sila sa DOTr at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa detalye ng kaso at susuriin ang maaaring ipataw na parusa laban kay Zhang.
Nakakulong na ang dayuhan na nahaharap sa kasong direct assault, disobedience to a person in authority at unjust vexation matapos nitong tapunan ng taho si PO1 William Cristobal na binawalan ang dayuhan na pumasok sa MRT Boni Station dahil sa dala nitong pagkain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.