Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na isang suicide bomber na foreigner ang kinakanlong ngayon ng Abu Sayaff sa kanilang kampo sa lalawigan ng Sulu.
Sinabi ni Año na ang grupo ni Abu Sayyaf leader Hatib Hajan Sawadjaan ang kasama ng nasabing arab-looking bomber.
Si Sawadjaan ang sinasabing “Emir” o pinakamataas sa mga kinikilalang lider ng Isis group sa bansa.
Ang nasabing grupo rin ang nasa likod ng naganap na pagpapasabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu at tangkang pagpapasabog sa isang lugar sa lalawigan ng Basilan ayon pa sa kalihim.
Tiniyak naman ni Año na tuloy ang pagmo-monitor ng pamahalaan sa galaw ng teroristang grupo.
Ipinaliwanag pa ng pinuno ng DILG na bukod sa nasabing Arab ay may namonitor rin silang ilang Moroccan at Indonesian nationals ang ngayon ay nasa kuta ng Abu Sayyaf bilang mga trainer.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi sila titigil hangga’t hindi nauubos ang pwersa ng Abu Sayaff sa Patikul, Sulu.
Samantala, sinabi naman ni Philippine National Police Chief Oscar Albayalde hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa dinoble ang pangangalap ng mga impormasyon para hindi makalusot ang mga teroristang grupo.