Pinalagan ng mga senador ang alegasyon ni House appropriations chairman Rep. Rolando Andaya na tatanggap ang bawat isa ng P3 bilyon na pork allocation sa 2019 national budget.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, pambabastos sa Senado ang akusasyon na mayroong P3 bilyon ang kada isang senador.
Sa kanya namang sponsorship speech sa ratipikasyon ng bicameral conference committee report sa 2019 budget, tiniyak ni Senator Loren Legarda na wala ang naturang alokasyon at walang basehan ang alegasyon.
Ang lahat anya ng amyenda ay batay sa hiling ng mga ahensya ng gobyerno o departamento.
Samantala, parehong itinanggi nina Minority Leader Franklin Drilon at Senator Francis Pangilinan ang alegasyon.
Sinabi ni Drilon na “unfair” ang pahayag ni Andaya at hindi ang lalawigan niyang Iloilo ang tinutukoy sa naturang kwestyunableng pondo.