Testimonya sa hukuman ni Lottie Manalo-Hemedez laban sa INC, naunsyami

By Den Macaranas November 23, 2015 - 08:54 PM

iglesia1
Inquirer file photo

Hindi natuloy ang hinihintay na testimonya sa hukuman ni Lolita “Lottie” Manalo-Hemedez makaraang harangin ng abogado ng Iglesia ni Cristo ang kanyang pagtestigo.

Bagkus, muling ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court Branch 222 ang pagdinig sa kaso sa December 16.

Ito’y may kaugnayan sa sinasabing illegal detention sa kapatid ng kinikilalang pinuno ng INC na si Eduardo Manalo.

Nauna dito, sinabi ni Lottie at ng kanyang kapatid na si Felix “Angel” Manalo na hindi sila pinapayagang lumabas sa kanilang compound sa No. 36 Tandang Sora Ave. Quezon City.

Noong nakaraang buwan ng Hulyo ay naglabas ng pahayag sa pamamagitan ng social media ang magkapatid na sina Lottie at Angel kasama ang kanilang ina kaugnay sa sinasabing katiwalian sa loob ng INC.

Lumutang din ang dating INC official na si Isaias Samson at pinatotohanan ang nasabing mga alegasyon.

Ilang mga INC members pa ang lumutang at lahat sila’y itiniwalag ng nasabing sekta.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng magkapatid na sina Lottie at Angel na nilagyan ng CCTV ang kanilang tinutuluyang compound bukod pa sa mga gwardiya na ikinalat sa lugar na labag sa kanilang kalooban.

Inakusahan din nila ang pamunuan ng INC na umano’y nakikialam sa pagtanggap nila ng mga bisita sa kanilang mismong tinutuluyang lugar.

Sinabi naman ni INC legal counsel Atty. Serafin Cuevas Jr. na huli na ang judicial affidavit na inilalabas ni Lottie Manalo-Hemedez dahil lampas na ito sa tinatawag na prescriptive period.

Pero sa kanyang panig, sinabi ni Lottie na gusto nilang patunayan na ang kanyang namatay na mister na si Edward Hemedez ang may-ari ng property na kanilang tinutuluyan sa Tandang-Sora Ave. at hindi ang INC kaya’t walang karapatan ang simbahan na sila’y panghimasukan.

Kung natuloy ang kanyang testimonya, ipakikita ni Lottie na pineke ang pirma ng kanyang mister sa deed of sale ng nasabing property.

Si Edward Hemedez ay namatay noong April 2013 pero sa deed of sale na hawak ng INC, Nabili umano nila ang nasabing property noong April 2015.

Sa December 16 muling maghaharap sa hukuman ang magkabilang panig hingil sa nasabing isyu.

 

TAGS: INC, Manalo, QC RTC Branch 222, INC, Manalo, QC RTC Branch 222

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.