MMDA naglabas ng rerouting plan para sa “full-blast” construction ng Skyway 3
Magpapatupad ng major traffic rerouting ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang North Luzon Expressway Corp. (NLEx) para bigyang-daan ang “full-blast” construction ng Skyway Stage 3 project sa ilang bahagi ng NLEx-Balintawak.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia ang traffic rerouting scheme ay ipatutupad na simula bukas, February 9, 2019, alas 11:00 ng gabi.
Sisimulan na kasi ng San Miguel Corporation – led Citra Central Expressway Corp. (CCEC) ang “full-blast” na konstruksyon ng Skyway Stage 3 project.
Kabilang sa ipatutupad na rerouting hanggang sa katapusan ng kasalukuyang taon ay ang sumusnod:
– Ang mga sasakyang galing NLEX patungong Quezon City ay padadaanin sa Smart Connect Interchange patungong Mindanao Avenue. Pagsapit sa Mindanao intersection ay kakanan patungo sa destinasyon
– Ang mga private cars, vans, PUJs galing Quirino Highway patungong EDSA via Camachile ay padadaanin sa Camachile Flyover, kanan patungong West Service Road at kanan sa EDSA
– Ang mga private cars at vans galing EDSA Muñoz patungong Port Area, ay didiretso sa Monumento crossing Balintawak Cloverleaf, kakaliwa sa De Jesus Street, diretso sa C3 at pagsapit sa C3 intersection ay kakanan patungo sa Port Area.
Umapela naman ang MMDA sa mga motorista ng pang-unawa at habaan ang kanilang pasensya.
Ang Skyway Stage 3 ay elevated road project ng CCEC na magdudugtong sa SLEx (Southern Luzon Expressway) at NLEx mula Buendia, Makati City hanggang Bagong Barrio, Caloocan City na tatawid ng EDSA Balintawak cloverleaf.
Sa December 2019 ang target na pagtatapos ng naturang proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.