Atty. David, umapela sa desisyon ng SET pabor kay Sen. Poe

david-Grace
Inquirer file photo

Nagsumite na ng kanyang apela sa Senate Electoral Tribunal (SET) si Rizalito David para baliktarin ang naunang desisyon na pumapabor kay Sen. Grace Poe.

Sa kanyang apela, sinabi ni David na ang burden of proof ay nasa panig ni Poe para patunayan ang kanyang pagiging natural-born Filipino dahil sa kanyang pagtakbo bilang Pangulo sa susunod na halalan.

Sinabi rin ni David na hindi naman napatunayan ang pagiging Filipino ni Poe sa pamamagitan ng DNA test dahil mismong ang mambabatas na rin ang nagsabi na negative ang resulta kumpara sa mga sinasabi niyang kaanak sa probinsya.

Hindi rin daw pwedeng gamiting basehan ang 1935 Constitution para sabihing otomatikong nakuha ni Poe ang kanyang pagiging natural-born Filipino dahil siya’y isang foudling o pulot.

Si Poe na ipinanganak noong 1968 ay sakop ng 1935 Constitution.

Ipinaliwanag din ni David na kumpara sa desisyon ng mga kapwa niya Senador, mas dapat katigan ang paliwanag at posisyon ng mga mahistrado ng Supreme Court sa isyu dahil mas naiintindihan nila ang batas kumpara sa mga Senador.

Nilinaw din ni David na hindi pwedeng ikatwiran na ang overwhelming votes na nakuha ni Poe noong 2010 Senatorial elections ay pwedeng ipaka-hulugan na vindicated na ang mambabatas sa kanyang citizenship.

Ipinaliwanag rin ni David sa kanyang apela na ang Republic Act 9225 o Citizenship Retentions and Reaquisition Act na aplikable lamang sa mga natural-born Filipino.

Hindi raw pwedeng gamitin ang nasabing batas kay Poe dahil sa simula pa lang ay hindi naman daw napatunayan na mga Filipino nga ang mga magulang ni Poe.

Si Poe ay naging naturalized U.S citizen noong 2001 at mula 2006 hanggang 2010 naman ay deklarado bilang dual citizen.

Read more...