2 babaeng supplier ng droga arestado sa palengke sa QC; mga shabu itinago sa supot ng gulay

By Dona Dominguez-Cargullo February 08, 2019 - 11:48 AM

Contributed Photo

Arestado ang dalawang babaeng supplier umano ng ilegal na droga sa operasyon na ikinasa ng mga tauhan ng Cubao police station.

Nasukol ang mga suspek na sina Norhana ibad, 22-anyos at Weds Pasandalan, 40-anyos sa kanto ng Luzon Avenue at Commonwealth Avenue matapos na 12-oras bantayan ng mga otoridad dahil sa ginawang pagpapalipat-lipat ng lugar.

Ayon kay QCPD Station 7 Commander Supt. Giovanni Caliao, tatlong beses nagpalipat-lipat sa iba’t ibang apartelle sa lungsod ang dalawang suspek.

Nakuha sa dalawa ang humigit-kumulang sa 100-gramo ng shabu na nagkakahalaga ng halos P700,000.

Ayon naman kay Sr. Insp. Ramon Aquitan ang hepe ng Cubao Police Station Drug Enforcement Unit, natunton nila mga suspek kasunod ng pagkakaaresto sa isa pang drug personality sa Taguig City kamakailan.

Ilang beses na nagduda ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon, kaya’t lumipat-lipat sa iba-ibang apartelle ang mahigit sa sampung operatiba para bantayan ang magiging abutan ng droga.

Alas 10:00 ng umaga ng Biyernes nang magkasundo na sa paradahan na lamang ng tricycle sa Luzon Avenue kanto ng Commonwealth Avenue gawin ang abutan at bayaran.

Nang iniaabot na sa mga operatiba ang dalawang supot ng droga na itinago sa pinamiling mga gulay ng suspek ay agad pinosasan ang dalawang babae.

TAGS: P680000 worth of illegal drugs, suspected drug supplier in quezon city, War on drugs, P680000 worth of illegal drugs, suspected drug supplier in quezon city, War on drugs

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.