Nagsumite ng mga panibagong ebidensya sina dating Sen. Kit Tatad at De La Salle Polititical Science Prof. Antonio Contreras kaugnay sa preliminary hearing ng disqualification case na kanilang isinampa laban kay Sen. Grace Poe sa Comelec.
Sinabi ni Tatad na karamihan sa kanilang mga isinumite ay galing mismo sa kampo ni Poe tulad na lamang ng kopya ng kanyang Certificate of Candidacy para sa taong 2013 at 2016 kung saan nakalagay ang ilang detalye sa kanyang pagkatao partikular na sa citizenship ay residency.
Ayon kay Tatad, mahalagang mahimay ang mga isinulat ni Poe sa kayang COCs pati na ang mga nakasulat sa kanyang mga dokumentong isinumite para sa reaquisition ng kanyang Philippine citizenship at residency.
Tiyak ayon kay Tatad na maraming discrepancies na makikita ang Comelec kapag pinag-aralan nila ang nasabing mga dokumento.
Sa November 25 naman sisimulang dinggin ng Comelec ang isa pang disqualification case na isinampa ni dating University of East College of Law Dean Amado Valdez.
Hindi sinipot ni Poe ang nasabing hearing at tanging ang kanyang abogado na si Atty. George Erwin Garcia ang present kanina na nagsabing handa silang sagutin ng isa-isa ang mga inihaing disqualification cases laban sa mambabatas.