2019 budget, raratipikahan ng Kongreso ngayong Biyernes

Inaasahang malalagdaan at mararatipikahan na ng Senado at Mababang Kapulungan ngayong araw ang P3.757 trilyon 2019 national budget.

Ito ay matapos ang halos dalawang buwang pagkabalam dahil sa isyu ng budget insertions.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Senate finance committee chairperson Sen. Loren Legarda na lalagdaan ng Senado at Kamara ang 2019 General Appropriations Bill (GAB) ganap na alas-9:00 ngayong umaga at raratipikahan ito mamayang alas-3:00 ng hapon.

Agad itong ipapasa sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang malagdaan at maging ganap nang batas.

Matatandaang Nobyembre na noong nakaraang taon nang maipasa ng Mababang Kapulungan sa Senado ang kanilang bersyon ng panukala dahilan para magkaroon ng hindi sapat na oras ang mga senador na talakayin ito bago ang deadline.

Nakaladkad din ang pangalan ni Budget Sec. Benjamin Diokno dahil sa umano’y pagpasok nito sa 2019 budget ng P75 bilyon para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Simula noong Enero 1, tumatakbo ang gobyerno sa pamamagitan ng reenacted 2018 budget.

Read more...