Sa datos ng Regional Joint Security Control Center (RJSCC), umabot na sa 30 kandidato para sa May 13 elections ang humiling ng police escort dahil sa banta sa kanilang buhay.
Ang RJSCC ay kinabibilangan ng regional offices ng Commission on Elections (Comelec), Police Regional Office (PRO) sa Eastern Visayas at Philippine Army.
Ayon kay PRO-8 director Chief Superintendent Dionardo Carlos, aprubado na ang mga aplikasyon ng mga kandidato sa RJSCC level.
Ngunit aniya, kailangan pa ring itaas ang aplikasyon sa Comelec central office para maberipika bago i- deploy sa kanila ang police escorts.
Paalala ni Carlos, dalawang security personnel lamang sa bawat isang kandidato ang maaaring ipadala ng pulisya.
Sakaling mamataan na higit sa dalawa ang bodyguard, kailangang magpaliwanag ng kandidato at maaring maalis ang police escorts sa kanila.