Ayon kay Senator JV Ejercito, bilang delikadeza at para hindi sila mapagbintangan na ginagamit ang pondo ng gobyerno sa paghahanda sa kanilang kampanya, dapat ay magbitiw sa pwesto ang mga nasa gabinete at may posisyon sa ehekutibo na matunog na tatakbo sa halalan.
Kabilang sa mga napapabalitang tatakbo sa 2016 sina Department of Interior ande Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas na pinupuntirya ang Presidential elections, habang sinasabing tatakbo naman bilang Senador sina Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima, Philhealth Board Member Risa Hontiveros, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority Chief Operations Officer Mark Lapid, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, TESDA Director Joel Villanueva, Department of Transportation and Communication (DOTC) Sec. Jun Abaya, Department of Energy (DOE) Sec. Jericho Petilla, Department of Health (DOH) Sec. Janette Garin at Cabinet Sec. Rene Almendras.
Sinabi ni Ejercito na posibleng hindi “aware” ang mga kakandidatong miyembro ng gabinete, pero maaring nagagamit nila ang makinarya ng gobyerno para sa kanilang personal na interest.
Hindi aniya patas na manatili pa ang mga ito sa pwesto.
Sinang-ayunan naman ni Sen. Koko Pimentel III ang nasabing pahayag ni Ejercito. Ayon kay Pimentel, sa ginagawa ng ilang cabinet members na pagpapasinaya ng mga Government projects, pamumumudmod ng tulong mula sa pamahalaan, malinaw na nagagamit nila ang resources ng gobyerno.
Ayon naman kay Senator Tito Sotto III, babango pa ang pangalan ng mga potential candidates kung sila ay aalis na sa kanilang pwesto sa gobyerno gaya ng ginawa ni Binay.
Hindi kasi aniya maiiwasang isipin ng taumbayan na ginagamit nila ang kanilang pwesto para sila ay mas makilala at mas maging tanyag sa publiko./ Dona Dominguez-Cargullo