Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, mahina ang ihip ng hanging Amihan sa ngayon at mararanasan ang maaliwalas at may kainitang panahon.
Sinabi ni PAGASA weather forecaster Lorie dela Cruz na isa sa mga epekto ng ridge of HPA ay ang pagpigil sa pamumuo ng mga kaulapan.
Ang buong Luzon kasama na ang Metro Manila ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mababang tyansa ng mga pag-ulan.
Sa Palawan, Visayas at Mindanao bagaman magiging mainit ang panahon ay may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa hapon o gabi.
Walang nakataas na gale warning sa anumang bahagi ng bansa kaya’t ligtas ang paglalayag ng mga mangingisda.