Dating Albay Congressman, kinasuhan ng Ombudsman dahil sa anomalya sa paggamit ng PDAF

aug 27 justiceKasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at apat na bilang ng Malversation ang kinakaharap ni dating Albay 3rd District Rep. Reno Lim dahil sa maanomalyang paggasta ng kaniyang 2007 Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagkakahalaga ng P27 million.

Kasama ring pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman ang limang opisyal ng Technology Resource Center (TRC) na sina Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Maria Rosalinda Lacsamana, Marivic Jover at Consuelo Lilian Espiritu.

Ang mga kinatawan ng Kaagapay Magpakailanman Foundation Inc. (KMFI) na sina Carlos Soriano at France Mercado at si Carmelita Barredo ng C.C. Barredo Publishing House.

Sa rekord, noong August at November 2007, hiniling ni Lim na mai-release ang kaniyang PDAF na aabot sa P30 million at tinukoy ang TRC bilang implementing agency kasama ang KMFI bilang NGO-partner.

Gagamitin umano ang P30 million para ipambili ng 8,000 sets ng livelihood instructional materials at technology kits.

Noong 2008, lumagda si Lim sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang mga kinatawan ng TRC at KMFI. Mismong si Lim ang pumili sa KMFI bilang project implementor nang walang ginagawang public bidding.

Sa imbestigasyon ng Commission on Audit maliban sa hindi dumaan sa bidding ilan pa sa mga nakitang anomalya kawalan ng track record ng KMFI; ang nasabing NGO ay walang lehitimong business address; walang naganap na accreditation process para matukoy ang kakayahan ng KMFI; nagkaroon na ng bayaran ng aabot sa P27 million bago pa man malagdaan ang MOA; at maituturing na “fictitious o ghost project” dahil hindi nagkaroon ng deliveries ng livelihood kits.

Sa field validation, napatunayan ng Ombudsman investigators na wala sinoman sa constituents ng legislative district ni Lim ang nakatanggap ng livelihood technology kit.

Read more...