Abad at Garin, itinanggi ang alegasyon sa kanila ukol sa Dengvaxia
Itinanggi nina dating Budget Sec. Butch Abad at dating Health Sec. Janette Garin ang mga alegasyon laban sa kanila kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia.
Ito ay kasunod ng rekomendasyon ng Kamara na kasuhan na sina Abad at Garin.
Ayon kay Abad, walang basehan ang mga reklamo laban sa kanila.
Hindi pa anya pinal ang committee report at tatalakayin pa sa plenaryo ng Kamara.
Dagdag ng dating kalihim, pwede pang maamyendahan o kaya ay maibasura ang rekomendasyon na kasuhan siya at si Garin.
Itinuring naman ni Garin na “recycled charges” ang akusasyon laban sa kanya at nasagot na niya anya ito sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).
Giit ni Garin, walang nangyaring sabwatan at malinis ang kanyang kunsensya.
Ikinalungkot ng dating opisyal na nagdulot ng takot sa vaccination program ng gobyerno ang isyu sa Dengvaxia.
Una rito ay inirekomenda ng House Committees on Good Government and Public Accountability at Health ang pagsasampa ng kasong graft, technical malversation at civil charges laban sa mga dating opisyal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.