42 senior military officials nakalusot sa Commission on Appointments

By Jan Escosio February 06, 2019 - 12:49 PM

Kuha ni Jan Escosio

Inirekomenda na ng Committee on National Defense ng Commission on Appointments sa pamumuno ni Zamboang del Norte Rep. Bullet Jalosjos ang kumpirmasyon ng 42 senior military officials.

Kabilang sa mga nakalusot si acting Philippine Military Academy Lt. Gen. Ronnie Evangelista, Lt. Gen. Felipe Bejar, ISAFP chief, Lt. Gen. Erwin Neri, Socom Chief Lt.Gen. Ramiro Rey, Ascom chief Lt. Gen. Byron Calimag, Lt. Gen. Jesus Sarsagat, Lt. Gen. Pablo Lorenzo at Lt. Gen. Jose Faustino.

Kasama rin sa nakumpirma ng komite ni Jalosjos ang kontrobersyal na si Marine Col. Ferdinand Marcelino.

Magugunita na inaresto ng mga tauhan ng PDEA si Marcelino noong 2017 sa isang anti-drug operation sa Maynila at inasunto ng drug trafficking.

Ngunit pinawalang-sala ito ng korte dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.

Sinabi ni Marcelino na kaloob na ng Diyos na bigyan siya ng promosyon at patunay din ito na mali ang naging alegasyon sa kanya ng PDEA.

Samantala, isang Navy Cmdr. Gary Tafalla ang sumulpot sa deliberasyon at inilahad ang kanyang oposisyon sa appointment ni Capt. Cheston Valencerina dahil sa pagpapataw sa kanya ng kaparusahan ng walang basehan.

Sinabi ni Valencerina na inakusahan ng sexual harassement si Tafalla ng isang kaklase nito ngunit iginiit ng huli na walang pormal na reklamo laban kanya.

Sa tagpong ito ay pinagsabihan ng komite partikular ni Sen. Gringo Honasan ang AFP na ang komisyon ay hindi tamang lugar para resolbahin ang mga isyu sa sandatahang lakas ng bansa.

TAGS: commission on appointments, Committee on National Defense, Senate, commission on appointments, Committee on National Defense, Senate

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.