Testigo sa drug case vs Kerwin Espinosa may ibinunyag sa pagdinig ng kaso
Hinihilamusan ng efficascent oil ang mga kontrabando para lansihin ang mga drug sniffing dogs.
‘Yan ang ibinunyag ni Marcelo Adorco sa pagdinig ng Manila Regional Trial Court Branch 51 sa kasong conspiracy to commit illegal drug trade na isinampa ng DOJ laban sa kanya at kina Kerwin Espinosa, Peter Co, Lovely Impal, at ang nakakalaya pang si Ruel Malindangan.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, ikinuwento ni Adorco sa sala ni Judge Merianthe Pacita Zuraek na sya ang inuutusan ni Kerwin para sa drug transaction kina Peter Co at Impal.
Isinasagawa anya nila ang transaksiyon sa isang supermarket sa Osmeña Highway sa Makati at sa isang ospital sa Maynila.
Kapag natanggap na anya nito ang mga shabu ay ibinibiyahe nya ito patungong Leyte gamit ang kotse ni Kerwin.
At para makalusot sa mahigpit na police checkpoint at hindi maamoy ng mga drug sniffing dogs ang mga kargamento nito sa kotse, pinapahiran nya ng efficascent oil ang nakabalot ng shabu.
Epektibo umano ito dahil sa mas mamamayani ang matapang na amoy ng pangmasaheng langis kaysa sa amoy ng nasa loob na shabu.
At hindi pa sya nahuhuli sa alinmang checkpoint na may mga K-9 units.
Dinadala pa anya nito sa piitan sa Leyte kung saan nakakulong noon si Kerwin at ilalabas muli para ihatid sa kanilang mga parokyano sa iba’t ibang lugar.
Sa March 11 itinakda ng korte ang susunod na pagdinig sa loob ng New Bilibid Prisons para personal na kilalanin ni Adorco si Peter Co.
Ayon kay Navera, bahagi ito ng mga pagdinig ng korte para patunayan nila na vital witness sa kaso si Adorco kung saan Disyembre noong nakaraang taon nang hilingin ng DOJ sa korte na tanggalin sya sa mga akusado para tumayong state witness.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.