Sa committee report ng House Committee on Good Government and Public Accountability ni Cong. Xavier Jesus Romualdo at House Committee on Health ni Rep. Angelina Tan, pinasasampahan nito ng kasong graft o paglabag sa Republic Act 3019 sina Aquino, dating Budget Secretary Florencio Abad, dating Health Secretary Janette Garin, ilang mga doktor at miyembro ng Philippine Children’s Medical Center Bids and Awards Committee na sangkot sa procurement at implementasyon ng vaccination program.
Lumabas sa pagsisiyasat ng joint committee na nagsabwatan ang mga nasabing opisyal para matiyak na mabibili ang malaking bulto ng Dengvaxia vaccine at magagamit sa mga mag-aaral sa National Capital Region at Region III at IV kahit pa hindi pa tiyak kung epektibo at lugtas ang dengue vaccine.
Sinasabing nagsabwatan din ang mga opisyal para magkaroon ng shortcut sa proseso at paboran ang Sanofi Pasteur, na manufacturer ng dengue vaccine.
Karagdagang kasong Technical Malversation ang ipinapasama kina Aquino, Abad, Garin at Dr. Julius Lecciones dahil anila sa 2015 General Appropriations Act ang pondo para sa pagbili ng Dengvaxia vaccine bukod pa sa Hindi rin ito kasama sa Expanded Immunization Program ng DOH noong 2015.
Sa kabila nito, naprubahan pa rin ni Aquino ang request ni Secretary Garin para magamit ang savings ng DOH sa pagbili ng bakuna na aabot sa mahigit P3.5 bilyon.
Pinasasampahan din ng Grave Misconduct ang mga nabanggit na opisyal kahit pa ang ilan sa kanila ay wala na sa gobyerno.
Inatasan din ng joint committee ang PCMC na maghain nh civil action laban sa Zuellig, dating Pangulong Aquino, Abad, Garin at Dr. Lecciones para mabawi ang ibinayad sa ipinambili ng dengvaxia vaccine..
Bukod dito, nais din ng Kamara na pumasok ang Anti Money Laundering Council upang maimbestigahan ang transaksyon.