Higit 100 bahay sa Cebu City, nasunog

BFP 7 Photo

Naabo ang higit isandaang bahay sa sunog na sumiklab sa residential area sa Barangay Ermita, Cebu City hapon ng Martes.

Ang naturang sunog ay umabot agad sa general alarm isang oras pa lamang matapos matanggap ng city fire deparment ang ulat tungkol dito.

Higit-kumulang 50 fire trucks mula sa iba’t ibang bahagi ng Cebu ang rumesponde sa sunog kung saan ang iba ay nagmula pa sa bayan ng Consolacion at Naga City.

Ayon kay Bureau of Fire Protection Central Visayas director Sr. Supt. Gilbert Dolot, dalawa katao ang nasugatan sa insidente.

BFP 7 Photo

Nahirapan ang mga bumbero na makarating agad sa lugar dahil sa makikipot na daan.

Naubusan din ang firetrucks ng tubig.

BFP 7 Photo

Ayon kay Dolot, ang mabilis na pagkalat ng apoy ay dahil gawa sa light materials ang mga bahay at dikit-dikit ang mga ito.

Alas-8:27 na ng gabi nang ideklara ng BFP-7 na ‘fire-out’ na ang sunog.

Tinatayang nasa tatlong milyong piso ang halaga ng pinsala sa ari-arian ng insidente.

Read more...