Laban kontra ISIS, hindi susukuan ng US
Walang balak umatras ang Estados Unidos at ang mga kaalyado nitong bansa sa laban kontra sa Islamic State of Iraq and Syria.
Nangako si U.S. President Barack Obama na hindi niya mapapayagan at matatanggap na mag-mistulang normal na lamang ang pag-atake ng mga terorista sa mga sibilyan tulad na lamang ng ginawa nito sa Paris, France.
Kasabay nito ay ang pangungumbinsi ni Obama kay Russian President Vladimir Putin na makisama sa kowalisyon ng U.S. na lumalaban sa ISIS lalo pa’t noong nakaraang buwan lamang ay may Russian jet plane na pinasabog ang mga ito na kumitil sa 224 na buhay.
Kailangan aniyang papanagutin ni Putin ang nasa likod ng trahedyang kumitil sa kaniyang mga mamamayan.
Nanawagan din si Obama sa Russia na putulin na ang suportang ibinibigay nito kay Syrian President Bashar Assad dahil hindi matatapos aniya ang karahasan doon hangga’t patuloy ang kanilang ugnayan.
Ang tanging punterya kasi aniya ng Russia sa mga pag-atake nito sa Syria ay iyong mga rebeldeng lumalaban kay Assad.
Paniniwala ni Obama, hindi matatapos ang gulo at hindi magiging mabisa ang laban kontra terorismo hangga’t nasa kapangyarihan si Assad na suportado pa ng Russia.
Nakatakda namang makipagpulong si French President Francois Hollande kay Obama sa White House para pa-usapan ang mga paraan para mas mapalakas ang international coalition laban sa ISIS.
Pagkatapos nito, tutungo naman si Hollande sa Russia para makipag-usap kay Putin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.