Sa resolusyon ng DOJ na may petsang January 10 at inilabas lamang araw ng Martes, inirekomenda ng mga prosecutors ang paghahain ng cyber libel case laban sa Rappler Inc. at kina Ressa at Reynaldo Santos Jr.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, na unang kinumpirma ang hakbang ng ahensya, pwedeng iapela ang resolusyon sa kanyang tanggapan.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa akusasyon ng negosyanteng si Wilfredo Keng na isinangkot sa mga krimen batay sa report ng Rappler.
Inilabas ng news site ang tungkol sa mga sasakyan ni Keng na ginamit ni dating chief justice Renato Corona.
Nakasaad sa DOJ resolution na malinaw na mapanira ang Rappler report kaya nangyari ang krimen na cyber libel.
Samantala, ibinasura naman ng DOJ ang mga reklamo laban sa mga dati at kasulukuyang board members ng Rappler dahil sa kawalan ng ebidensya ng partisipasyon nila sa krimen.