Patuloy ang pagbaba ng halaga ng palay habang papasok na ang panahon ng anihan na sinundan pa ng pagdagsa ng mga imported na bigas.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang farmgate price ng palay ay umaabot na lamang sa P19.79 kada kilo.
Ito ay mas mababa ng 3.13 percent kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2018.
Sa kabila nito ay tumaas naman ng 0.07 percent ang halaga ng kada kilo ng well-milled rice kumpara noong nakalipas na linggo sa P45.11.
Ang presyo naman ng regular milled-rice ay bahagyang bumaba ng 0.24 percent bawat kilo sa P41.43.
Kung ikukumpara sa kaparehas na panahon noong nakalipas na taon, ang presyo ng well-milled at regular well-milled rice ay mas mababa ng average na 7.75 percent sa kasalukuyang taon.
Sinabi ng PSA na naka-apekto rin sa bentahan ng palay ang pagpapalakas sa importation ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa pamamagitan ng Rice Tariffication measure ng gobyerno.
Nauna nang nagpahayag ng pangamba ang ilang grupo ng mga magsasaka na posibleng malugi sila ngayong taon kapag hindi kinontrol ng gobyerno ang pagpasok ng imported rice sa bansa.